Nung ako'y musmos pa at nangangarap ng mapapangasawa, malimit kong sabihin na "sana ang mapangasawa ko...gwapo...matangkad...maputi...matalino...mayaman..." Ngayong may-asawa na ako, ni hindi sumagi sa isip ko na ikumpara sya sa mga pamantayan na dati rati ay malimit kong banggitin. Siguro yun ang tinatawag na "tunay at dalisay" na pag-ibig. Wala kang tinitingnan...wala kang pamantayan...basta mahal mo sya.
Pero sa mga taon, buwan, araw, oras at segundong nagdaan ay tila napansin ko na ang asawa ko ay may pagka-komedyante. Napaka popular nya sa mga tinatawag nating "one-liners". Sa dami ng mga nasambit nya sa nagdaang mga araw ay mangilan-ngilan na lang ang aking natatandaan sa oras na to. Nais ko sanang ibahagi ang ilan sa mga ito:
(1) Naghahanda pa lamang kami nuon sa aming nalalapit na kasal. Nag-inarte ako dahil parati na lang ako ang gumagawa sa aming "wedding preps". Sa sobrang inis ko ay nasabi ko: "Wala ka nang natutulong sa kasal natin...palagi na lang ako! Alam mo ba kung ano ang misalette? Alam mo ba kung anong souvenir ang ipapamigay natin? Alam mo ba kung ilang bisita ang meron tayo? Alam mo ba kung sino ang caterer natin? Wala kang alam sa lahat ng nangyayari sa preparations natin!" Sa puntong ito, akala ko ay sasagot sya nang padabog din...ngunit, subalit, datapwat..kumanta lamang sya ng: "I don't know much....but I know I love you...(na may kasama pang kumpas ng mga kamay with feelings!)". Imbes na umusok ang ilong ko sa galit ay natawa ako. Kung gusto nyo marinig ang kanta, heto ang link. Dahil dito ay naging kanta namin sa kasal ang kantang iyan.
(2) Nitong mga nakaraang araw ay tumataba na talaga ako. Alam ko na pangarap ko ang lumobo at maging lumba lumba...ngunit ang aking pagtaba ay hindi proportional. Tanging bilbil lang ang nadadagdag sa akin pero ang mga braso at ibang parte ng katawan ay napakatagal lumobo. Nasambit ko sa asawa ko nuong isang gabi: "Ang taba-taba ko na...tingnan mo bilbil ko...ang laki-laki naaa..." Heto ang sinabi nya: "Tigilan mo na kasi ang madalas na pagfi-friendster." (Napakunot ako ng noo at nag-isip nang mabuti kung anong ibig nyang sabihin. Matapos ang matinding pag iisip ay nais nya lang iparating na pagkatapos kumain ay maglakad-lakad ako at wag diretso sa pag-upo sa harap ng kompyuter.)
(3) Kanina lang ay nagmaneho ako papunta dito sa Indiana. Sa aking byahe ay ilang beses akong nahirapan sa pag - arangkada sa tuwing ako'y mag-o-"overtake" sa ibang sasakyan. Pagkarating ko sa opisina, gaya ng nakaugalian ay tumawag ako sa aking asawa. Isa sa mga sinabi ko ay: "Naiinis na ako sa kotse natin. Ang bagal bagal nya. Hindi ako makaarangkada. Mahina ang makina nya." Tumira na naman sya ng kanyang panalong one-liner na, "Walang problema ang sasakyan. Bawas bawasan mo ang paglalaro ng Need for Speed." Kung naglalaro ka ng game consoles ng Sony (e.g., PS2, PSP, PS3) eh alam mo na kung anong ibig nyang sabihin.
(4) Ilang segundo lang ang nakakalipas ay tumawag ulit ang "komedyante". Ang sabi nya, "Matutulog nako. Antok nako." Ang sabi ko, "Bakit? 8:40 pa lang dyan ah?". Ang sabi nya, "Uminom kasi ako ng Smirnoff". Kaya naman pala. Hindi pa dyan natapos. Bago kami nagpaalam sa isa't isa ay nagpahabol ako ng, "Bukas, mag-gym ka. Ang taba-taba mo na!". Humirit ang komedyante syempre (sa pinakamaarteng pananalita na maiisip nyo): "Look who's talkin".
Apat lang iyan sa libo-libong "one-liners" na sinasambit nya araw-araw. At dahil dito, madalas ay kinakabagan ako. Ngayon, alam ko na kung bakit.

